Image via Wikipedia
Ang grade-5 class ni Ma’am Lilia ay napuno ng saya at palakpakan nang kaniyang ipaalam sa kaniyang mga estudyante ang resulta ng pagsusulit sa nakaraang araw sa Capipisa, Elementary School. “Ikinagagalak kong ipabatid sa inyo na ang kaklase ninyong si Analine ay napili na pinakamahusay para ilaban sa darating na patimpalak,” sabi ni Ma’am Lilia habang lumalapit siya kay Analine para kamayan. “Binabati kita Analine,” dagdag pa niya, “Ngayon pa lang ay simulan mo na ang isaulo ang ibibigay kong sulatin para sa iyong talumpati,” sabay iniabot kay Analine ang dalawang pahinang papel. “Ito ang pag-aaralan at kakabisaduhin mo, anak.”
“Opo, Ma’am.” Matamlay na sagot ni Analine.
Napuna iyon ni Ma’am Lilia. At kaniyang tinanong ang bata, “Analine hindi ka ba natutuwa?”
“Natutuwa po at masaya po ako Ma’am.”
“Pero matamlay ka! Masama ba ang pakiramdamdam mo?” Usisa ni Ma’am Lilia.
“Hindi po Ma’am. Sumagi lang po sa isip ko ang tatay.”
“’Di ba matagal nang lumisan ang tatay mo, anak?”
“Opo Ma’am. Nang mag-iisang taon pa lang po si Nole, ang bunso kong kapatid. Ngayon tatlong taon na po siya. Sabi po kasi ng tatay, “Wag ko daw po pababayaan ang aking pag-aaral.”
“Alam mo Analine, tiyak masaya ang tatay mo ngayon. Matino kang bata, matalino at ‘di nagpapabaya sa iyong pag-aaral.” Banayad na sagot ni Ma’am Lilia.
Naputol ang pag-uusap nila nang marinig ang hudyat na tapos na ang pang-hapong klase at oras na ng pag-uwi. Hinarap ni Ma’am Lilia ang kaniyang mga estudyante, “Mga bata tapos na ang klase. Pero bago tayo maghiwa-hiwalay bigyan uli natin ng masigabong palakpakan si Analine.”
“Yehey!” Sigaw ng mga bata, kasabay ang palakpakan.
Habang binabaybay ni Analine ang daan pauwi ng bahay maraming pumapasok at gumugulo sa kaniyang isipan, papaano ko po kaya ito sasabihin kay nanay? Kinakabahan po ako baka po ‘di pumayag ang nanay. Sa kaniyang edad na 12 ay nauunawaan na ni Analine ang uri ng kanilang pamumuhay. Sa isip niya, kasi po mahalaga sa kaniya ang araw na iyon. Iyon po kasi ang araw ng kalakasan ng pagtitinda niya ng mga kakanin sa palengke. Tiyak ‘di po niya ako papayagan. Wala po kasing titingin sa aking mga kapatid, kasabay ang pagbuntong-hininga…a basta, kailangan ipaalam ko ito kay nanay.
Sa hapong iyon naabutan ni Analine ang kaniyang nanay Soling na abala sa paghahanda ng kanilang hapunan sa kusina. “Nanay andito na po ako.” Sabay mano niya sa kamay.
“Tamang-tama anak at tayo’y makapaghapunan ng maaga. Marami pa kasi akong aayusing gamit para sa araw ng palengke sa makalawa.”
Opo, nanay. Magbibihis lang po ako at aking ihahanda agad ang mesa pagkatapos.”
Habang inihahanda ni Analine ang mesa para sa kanilang hapunan sa isip niya, pagkumain na kami saka ko na po sasabihin kay nanay. Sana matuwa po ang nanay at payagan ako.
Bago sila magsimulang kumain nagdasal muna silang mag-iina ng pasasalamat. At tulad sa nakasanayan tahimik silang kumakain sa simpleng hapunan na nakahain sa mesa. Sarap na sarap nilang ninanamnam ang ulam na piniritong talong, piniritong isdang bato na ang sawsawan ay ginayat na kamatis na hinaluan ng bagoong balayan. At bago matapos ang kainan masayang ikinuwento ni Analine ang pagpili sa kaniya.
“Nanay, nanay, ako po ang nanguna sa pagsusulit sa aming eskuwelahan.”
“Aba! Dapat lang anak. Mana ka yata sa nanay, mo!” Sagot ng nanay niya na may kasamang pagyayabang.
“At saka po nanay, ako po ang ilalaban ng aming school sa “oratory competition” sa darating na Linggo sa bayan.”
“Sa Linggo? Sa makalawa?” Tanong ng kaniyang nanay.
“Opo, nanay.”
“Araw iyon ng palengke. Kalakasan ng pagtitinda ko ng mga kakanin. ‘Di puwede anak.”
“Bakit naman po nanay?” Malumanay na tanong ni Analine.
“Sino ang makakasama ng mga kapatid mo? Sino ang titingin sa kanila?” Tanong ng nanay.
“Nanay naman…katunayan po malapit ko na pong masaulo ang speech ko.” Paliwanag ni Analine.
“Anak alam mo naman na dito sa pagtitinda ko ng mga kakanin kinukuha natin ang ating pang-araw-araw na gastusin.” Paliwanag ng nanay.
“Nanay kalahating araw lang naman po iyon. Pagkatapos po uuwi din naman po ako agad.”
“Kahit na Analine. Isa pa anak, wala tayong pambili ng bagong damit at sapatos na gagamitin mo.”
“OK lang po ‘yon nanay. Kahit luma po ang damit ko’t sapatos ay sapat na po iyon para sa akin.”
“Kalimutan mo na ang paligsahan na iyon.” Madiin na sagot ng nanay.
“Pero po nanay…”
“Analine ‘wag kanang makulit. Kampante ako kapag kasama ka nila Randy at Nole sa bahay.”
Natapos ang kanilang hapunan. Habang hinuhugasan ni Analine ang kanilang pinagkainang mga plato, may luhang dumadaloy sa kaniyang mga mata. Hanggang sa kaniyang pagtulog ay nakalarawan parin sa kaniyang isipan ang naging reactions ng kaniyang nanay. At muling sumagi sa isip niya ang namayapa niyang ama. Sa loob niya, seguro kung nabubuhay lang si tatay, matutuwa po siya at tiyak papayagan niya ako.
Kinaumagahan kinausap si Analine ng kaniyang nanay. “Anak payag na ako.”
“Talaga po nanay!” Sa sobrang pagkatuwa ni Analine niyakap niya nang mahigpit ang kaniyang nanay.
“’Di ako makatulog kagabi, anak. Naalaala ko ang pangako ko sa inyong ama.”
“Masaya po ako nanay. Bukas na po ang paligsahan. Pangako ko po na aking pagbubutihin.”
“Kakausapin ko ang lola n’yo na samahan muna niya ang mga kapatid mo sa bahay habang wala tayo.”
“Salamat po nanay.”
Dumating ang araw ng paligsahan. Alas 4 ng umaga umalis na ng bahay ang nanay ni Analine papuntang Salinas dahil doon aangkatin ang kaniyang mga panindang kakanin. Ang bilin sa kaniya, “Anak anuman ang resulta sa paligsahan – manalo ka man o hindi ikaw parin ang panalo sa puso ko.”
6:30 ng umaga dumating si Ma’am Lilia para sunduin si Analine. “Anak, handa ka na ba?” Tanong sa kaniya ni Ma’am Lilia.
“Opo Ma’am. Kabisado ko na po ang sasabihin ko sa entablado.”
“Huwag kang kakabahan Analine. Hugutin mo mula sa iyong puso ang bawat salitang iyong sasambitin.”
“Opo Ma’am. Tatandaan ko po iyon.” At sinundan iyon ng pagpapaalam sa kaniyang dalawang kapatid nang dumating na ang kanilang lola.
Ang paligsahan ay ginanap sa plaza ng bayan ng Tanza. Nagsimula ay bandang alas 8 ng umaga. Halos mapuno ng mga tao ang lugar: mga magulang, mga guro at mga estudyante.
Si Analine ay pangsiyam at panghuling tinawag para magsalita sa entablado. Habang paakyat siya sa entablado paminsan-minsa’y hinihimas niya ang kaniyang dibdib. Tumayo siya sa harapan ng mikropono, sa mga hurado at sa lahat ng mga manonood. At sinimulan niya ang kaniyang speech.
Thanks to: Wikipedia for this photo.
Sa bandang huli ng kaniyang pananalita, ito ang kaniyang tinuran, “Nang lumipad ang saranggola napatid po ang tali. At hindi ko na po siya nakita. Ang tanging naiwan ay ang tali kong hawak na naging taga-pagbigkis sa amin. Ang tinutukoy ko pong saranggola ay ang namayapa ko pong ama. Ang kaniyang mga bilin at mga pangaral ay siyang nagbigkis sa aming mag-iina na puno ng pagmamahalan, pagsusunuran at pagpapahalaga sa isa’t-isa…Salamat po.”
Nang bumaba na si Analine mula sa entablado umugong ang nakakabinging palakpakan mula sa mga manonood. At paglipas ng limang minuto, inihayag na ng tagapagsalita ang nanalo, “Ang nagkamit ng unang gantimpla sa paligsahan sa taong ito na tatanggap ng 5 libong peso at tropiyo at ganuon din ang kaniyang pinapasukan - dahil sa kaniyang husay at galing ay walang iba si … Analine Cordero ng Capipisa, Elementary School!” Kasabay ang masigabong palakpakan.
Nang marinig ni Analine, pasigaw niyang sinabi, “Ma’am Lilia nanalo po tayo!”
“OO Analine! Ang galing mo anak,” kasabay na niyakap niya si Analine. “Pero teka…yong huli mong sinabi ay wala sa isinulat ko, Analine!”
Tumango nalang si Analine na nakangiti. ***Nothing Follows***
No comments:
Post a Comment