Friday, November 5, 2010

Kahon Ng Mga Pangarap

Provinces and regions of the Philippines.

Image via Wikipedia

Unang pagsubok kong sumali sa ganitong patimpalak. Ang makisaya at maki-isa sa ibang blogista ay gamot sa pangungulila para sa akin at makakatulong ito para sanayin ang sarili ko na matotohan ang iba pang paraan ng pagsusulat. Salamat sa inyong pagbisita.

Kahon_Box Nobyembre na, ang bayaw ko ay nasa Cebu parin. Isa siya sa dalawampung tao na pinadala ng kanilang kompanya para simulan ang pagtayo ng limang palapag na gusali na pag-aari ng isang negosyanteng Intsik. Kabuwanan na ng ate ko. Manganganak siya na wala ang kuya.

Umaga ng Nobyembre 15, 1981, naghanda si ate ng pansit. Ang sabi niya, " Ito ang araw ng kapanganakan ng tatay ninyo mga anak. Kahit wala siya ipagselebrit pa rin natin."

Sa isip ko, kapos na nga kayo ate nagagawa mo pa rin magselebrit. Kung sabagay paborito ko ang pansit. Masarap magluto ang ate ko.

Kinahapunan bandang alas dos biglang sumakit ang tiyan ni ate. Pasigaw niyang sinabi, "Manganganak na yata ako, Lhilo. May lumalabas na na tubig at dugo! Baka puwede sunduin mo na si Aling Bering."

"Ate bakit si Aling Bering? Bakit 'di na lang sa ospital kayo manganak?"

"Di sapat ang perang hawak ko. Si Aling Bering ay isang manghihilot. Marami na rin naman siyang pinaanak sa hilot na mga buntis. Di ko na kaya ang sakit. Tumakbo kana." Pakiusap ng ate ko.

Nakita kong may luhang dumadaloy sa mga mata ni ate at sapo-sapo niya ang kaniyang tiyan. Kumaripas ako ng takbo papunta sa bahay ni Aling Bering na may 10 bahay ang layo mula sa bahay ni ate. Kinatok ko ang pinto. Bumukas. Si Aling Bering ang bumungad. Sa tantiya ko higit 50 ang kaniyang edad.

"Ano bang nangyayari sa binatang ito? Bakit ka humahangos ha Lhilo?" Tanong sa akin ni Aling Bering.

"Ang ate ko po mangangaanak na. Kailangan po niya kayo." Sabay hawak ko sa kaniyang kamay.

"Sandali lang at ihahanda ko ang gamit ko."

Ang nakita ko sa gamit niyang inilalagay sa bag na itim ay bote ng langis, bote ng pulang gamot, sinulid, bulak at ilang pirasong gilet na pang-ahit. Sa loob ko, ano kaya ang gagawin niya sa ate ko, aahitan?

 

Nang dumating kami sa bahay, si ate ay nakaupo. May dalawang unang nakakalso sa kaniyang likod at sapo-sapo parin ang kaniyang tiyan. Nang makita ito ni Aling Bering tinanggal niya ang nakakalsong unan sa likod ni ate at kaniya itong inalalayang humiga sa banig.

Nag-utos si Aling Bering, "Lhilo magpakulo ka ng tubig. Pagkumulo na ibuhos mo sa palanggana."

Agad ako nagpakulo ng tubig at isinalin ko sa palanggana. Pasulyap-sulyap ko rin tinitingnan si Aling Bering. Kaniya hinihimas ang tiyan ni ate. Narinig ko ang sinabi niya, "Lalagyan natin ng langis para dumulas ang lagusan."

Tinawag uli ako ni Aling Bering, Lhilo pumarito kana. Hindi na mapipigil ang paglabas ng bata. Alalayan mo ang ate mo."

Lumapit ako sa kaniya at nagtanong, "Ano po ang gagawin ko?"

"Doon ka sa bandang uluhan ng ate mo. Kapag sinabi kong itulak, itulak mo."

Tumango lang ako pero sa loob ko ay mga tanong: Bakit ako ang nandito? Dapat si bayaw ang nasa tabi ni ate. Nahinto ang naglalaro sa isipan ko nang magsalita si Aling Bering, "Pagsinabi kong itulak mo, itulak mo ha Lhilo. Ikaw naman Vergie sabayan mong umire ang pagtulak ni Lhilo."

Sa totoo lang ang mga kamay ko ay nangangatog at kinakabahan.

Sumigaw na naman si Aling Bering, "Lhilo itulak mo na!"

Sa isip ko itutulak lang pala e di itulak – kaso mali ang itinutulak ko.

"Hindi ang balikat ng ate mo! Ang tiyan niya ang itulak mo papunta sa akin." Paliwag ni Aling Bering.

Gusto kong mangatwiran pero hinayaan ko nalang. Kasabay ng pag-ire ni ate at pagtulak ko sa kaniyang tiyan, maluwan na lumabas ang bata sa kaniyang sinapupunan. Isang sanggol na naliligo sa dugo. Binuhat ni Aling Bering ang sanggol na patiwarik, hawak ang dalawang paa sa taas, parang paniki na nakabitin.

Pagkatapos pinalo niya ang puwit ng bata at umiyak ito nang malakas at pasigaw na sinabi niya, "Babae ang anak mo, Vergie." At ipinatong niya ang bata sa tiyan ng ate ko.

Nakita ko ang butil-butil na pawis na umaagos sa mukha ni ate habang sinasambit niya ang pasasalamat sa Maykapal. At tinawag niya ang sanggol sa pangalang Angelica.

Nakiusap si Aling Bering, "Lhilo pakiabot mo na ang palanggana na may maligamgam na tubig kasama ang pampaligong sabon."

Inilagay ko sa tabi ni Aling Bering ang hiningi niya.

"Ikaw Vergie, ipahinga mo muna ang iyong sarili at babalikan kita para malinisan din."

Bago putulin ang pusod ng bata gamit ang gilet ay kaniya munang tinalian ang pusod ng bata ng sinulid. Pagkaputol nito tinakpan niya ng bulak saka niya binuhusan ng pulang gamot. Lahat yon ay ginawa niya pagkatapos paliguan ang bata. At nagbilin siya na huwag tanggalin ang bigkis ng bata sa baywang nito at araw-araw bubuhusan ng alkohol ang pusod ng bata hanggang sa matuyo ang sugat.

Nang maisaayos na ang mag-ina, inihatid ko na si Aling Bering sa kaniyang bahay at ang sabi sa akin araw-araw ay dadalawin niya ang mag-ina. Kinabukasan ipinarating namin sa bayaw kong si kuya Paking ang magandang balita at nangako siya na sisikapin niyang umuwi sa Pasko o sa Bagong Taon.

 

Nguni't mag-iisang buwan na hindi parin bumabalik ang lakas ni ate. Minsan inaapoy siya ng lagnat. Walang ganang kumain. May gamot naman siyang iniinum, ang "anti-biotic" na ipinabili ng manghihilot subali't mahina parin ang kaniyang katawan. Maaari din ang dahilan ng kaniyang panghihina ay kakulangan ng masustansiyang pagkain na kailangan ng bagong nanganak.

Ang problema ang perang ipinapadala ng bayaw ko agad napupunta lamang sa tindahan pambayad sa utang. Ang lingguhang kita ko naman sa pagkokontruksiyon ay naaagad din sa araw-araw naming gastusin. Kahit pa mura ang mga bilihin hindi parin sasapat. Pakiramdam ko bumibigat lalo ang pasanin ko habang pinagmamasdan ko ang ate at mga pamangkin kong maliliit pa.

Lalu akong naguluhan nang ang bagong sanggol ay magkombulsiyon sa taas ng lagnat. Sa tulong ng isang kapit-bahay dinala namin sa doktor ang bata. Ang nakita ng doktor ay inpeksiyon sa pusod ang dahilan. Pinayuhan kami na sa pagamutan ng San Lazaro ng Maynila dalhin ang sanggol dahil daw kompleto sa gamit ang ospital at iba pang kakailanganin ng bata.

Agad namin isinugod sa San Lazaro Ospital ang sanggol. Sa "free ward" siya "naconfined". Sa oras na iyon pangamba at takot ang naramdaman ko: ang kalagayan ni ate at ang kaniyang anak. Nguni't 'di parin ako nawawalan ng pag-asa na malampasan ang mabigat na suliraning ito. Dahil si ate ay mahina pa si Susan na kaniyang panganay na anak ang pinagkatiwalaan para mag-aruga at magbantay sa bata sa ospital. Mabait na bata si Susan at mapagmahal sa kapatid.

Bago ako uuwi ng bahay mula sa trabaho, sumasaglit muna ako sa ospital may bitbit na prutas at pagkain ni Susan at para narin masilip ko ang kalagayan ng bata. Ginagawa ko iyon araw-araw habang nasa pagamutan pa ang sanggol.

 

Sa panglimang araw na pagdalaw ko sa ospital, natuwa ako nang ibalita sa akin ni Susan. "Tito Lhilo, sabi po ni Doktora Clarisa maaaring ilabas na ang bata bukas. Sa bahay nalang daw po itutuloy ang pagpapainum ng gamot sa kaniya. Malakas na ang bata."

"Tiyak anak matutuwa ang nanay n'yo kapag ibinalita ko ito sa kaniya pag-uwi ko mamaya."

"Tito Lhilo kumusta po ang nanay? Banayad na tanong ni Susan.

"Mahina parin ang katawan ng nanay n'yo. Pero sa magandang balitang ito makakatulong para gumaling siya."

"Sana po gumaling na ang nanay. Ilang araw nalang po ay Pasko na."

"Siyempre gagaling ang nanay ninyo. Ipagdasal natin ang agaran niyang paggaling."

'Kita ko sa mga mata ni Susan ang kasiyahan habang kaniyang dinadampian ng halik ang mga kamay ng kaniyang bunsong kapatid. Alas 8 na nang gabi at ako'y nagpasiya nang umuwi. Bilin ko kay Susan, "Bukas ay wala akong pasok. Umaga palang ako ay nandito na para kayo ay sunduin."

Naghiwalay kami ni Susan na kapuwa ay masaya. Nang nasa bahay na ako tuwang-tuwa sa kagalakan ang ate ko't mga pamangkin nang ibalita ko sa kanila na mailalabas na ang bata kinabukasan.

 

6:30 ng umaga nang dumating ako sa pagamutan ng San Lazaro. Tuloy-tuloy ako sa kuwartong kinaroronan nila Susan. Hindi ko na makuhang magbigay galang sa mga taong aking nasasalubong. Ni ngumiti sa kanila hindi ko na nagawa basta diretso lang ang lakad ko. Pagdating ko sa pinto nabungaran ko si Susan na humahagolgol sa pag-iyak. Nilapitan ko agad at tinanong, "Susan anong nangyari? Bakit ka umiiyak?"

Hindi agad makapagsalita si Susan, niyakap ako. Habang iginagala ko ang aking mga mata sa paligid ay tuloy-tuloy ang pagtatanong ko, "Nasaan ang kapatid mo? Bakit wala siya sa higaan niya? May nangyari ba? Nasaan si Angelica?"

"Wala na po si Angelica."

Hinawakan ko ang magkabilang balikat ni Susan, "Totoo ba ang narinig ko?"

"Opo, Tito. Patay na po si bunso!"

Para akong binuhusan ng nagyeyelong tubig. Biglang nangatal ang buo kong katawan. Naramdaman ko ang pintig ng puso ko ay kasing tunog ng tambol. Unti-unting kumalas si Susan sa kaniyang pagyakap sa akin. Isinalaysay niya ang nangyari sa bata, "Alas tres po ng umaga nakita ko po ang mukha ni Angelica ay nagkulay talong. Hinahabol ang kaniyang paghinga. May tubig na lumalabas sa kaniyang bibig at ilong. Agad tinawag ko ang mga "nurse" sa "counter" at agad naman sila pumarito kasama po si Doktora Clarisa. Sinikap po nila na maisalba si bunso nguni't nabigo po sila. Tapos po kinuha si Angelica ng isang mama. Ang sabi po sa morge ilalagak ang labi ng bata. Tito Lhilo, ano po ang gagawin natin? Uuwi tayo na hindi kasama si Angelica."

'Wari ko parang tinutusok ng karayom ang puso ko. Ang kirot. Ang hapdi. Di ko alam kung ano ang isasagot ko sa tanong ni Susan. Hinangod ko ang kaniyang likod kahit sa ganuong paraan maramdaman niya na hindi siya nag-iisa.

"Anak huminahon ka. Harapin natin ang pangyayari. Wala narin naman tayong magagawa. Wala na ang kapatid mo."

Lalo lamang humagolgol sa pag-iyak si Susan. Pati ang ibang tao sa kuwartong iyon ay nakidalamhati na rin sa amin.

"Susan, seguro naman matatanggap ng nanay mo ang nangyari. Kaya nga lang di ko matitiyak kung makakaya niyang harapin ang totoo lalo ngayon may sakit pa siya."

"Baka po lalu lamang mabinat at lumala ang karamdaman ng nanay."

Sa pag-uusap namin ni Susan may kung anong bagay na pumasok sa aking isipan na dapat kong isagawa anuman ang kalabasan nito.

"Dito ka muna anak. Babalikan kita. Sumama lang ang pakiramdam ko. Magbabanyo muna ako."

Iniwan ko si Susan at tinungo ang banyo. Doon ko ibinuhos ang nagpupuyos kong damdamin. Umiyak ako. Iba't-ibang emosyon ang pumasok sa puso ko't isipan: Bakit hinangad ko pang marating ang Maynila? Kung alam ko lang sana na ito ang madadatnan ko sana di nalang ako pumarito. Kailangan ko bang danasin ito? Hindi ito ang pinangarap ko! Pero di ko rin kayang baliwalain ito: Ang ate. Ang pamilya niya. Sila ay pamilya ko. Nahinto ang pagsi "self-pity" ko nang pumasok ang isang mama. Agad inayos ko ang sarili at lumabas ng banyo.

Binaybay ko ang pasilyo hindi papunta sa kinaroroonan ni Susan kungdi patungo sa opisina ni Doktora Clarisa. Buo na ang pasya ko na makaharap ko si Doktora. Nguni't habang ako'y nasa harapan na ng pinto nakadama ako ng bahagyang takot at pangamba subali't nanaig ang silakbo ng aking damdamin at kumatok ako.

"Tuloy ho. Bukas ho iyan."

Dahan-dahan kong binuksan ang pinto at nang makita ko si Doktora ako'y nagbigay galang, "Magandang umaga ho Doktora."

"Magandang umaga din ho." Bati sa akin. "Maupo ho kayo. Ano ho ang maipaglilingkod ko sa inyo ginoo?"

"Ako ho si Lhilo, ang tiyuhin ng namatay na bata kaninang madaling araw – yong hong may sakit na inpeksiyon sa pusod."

"Ganuon ho ba. Alam mo Lhilo naawa ako sa bata. Nakikiramay ho ako sa inyong pagdadalamhati. Sinikap ho namin na maligtas ang bata nguni't wala na kaming nagawa."

"Tanggap ko na ho ang nangyari at walang dapat sisihin. Talaga lang ho seguro hanggang doon nalang ang buhay ng aking pamangkin."

Maamo ang mukha ni Doktora. Ang tuno ng kaniyang pananalita ay nagpapahayag ng kaniyang kabaitan. Hindi na ako nagpatumpik-tumpik pa. Sinabi ko na agad sa kaniya ang pakay ko.

"Doktora, kaya ho ako naparito sa iyo ay upang makiusap at hingin ho ang tulong ninyo na maiuwi ko ang labi ng bata."

"Ha! Hindi ho ganuon kadali Lhilo. Meron tayong sinusunod na patakaran ng ospital." Paliwanag ni Doktora.

"Doktora parang awa niyo na ho sa pamilya ng namatay. Nakikiusap ho ako sa inyo. Ang ina ng bata ay may sakit din mula nang iluwal niya si Angelica. Saan ho namin kukunin ang pambayad sa ponirarya na maglalabas ng bata dito sa ospital? Ang bayaw ko ay nasa Cebu, konstruksiyon ang trabaho. Ang buwanang sinasahod niya ay pambayad lamang sa tindahan. Ang sahod ko sa kontruksiyon ay kakarampot din ho."

Halos lahat ng kagipitan namin ay naibulalas ko kay Doktora. Iyon lang kasi ang alam ko at iyon nama'y totoo. Sumunod nakita kong iniaangat ni Doktora ang telepono na nakapatong sa kaniyang mesa. Dinayal ang numero. Narinig ko ang pag ring sa kabilang linya. May binanggit na pangalan si Doktora at nag-usap sila. Pagkatapos nila mag-usap ibinaba na ang telepono at muling hinarap ako.

"Ngayon ko lang ginawa ito Lhilo. Puntahan mo si Mang Tonio, siya ang nakatalaga ngayon na magbantay sa morge. Banggitin mo ang pangalan ko sa kaniya. Alam na niya ang patungkol dito."

Bigla akong napatayo sa sobrang tuwa. Napalakas ang boses ko, "Salamat ho. Salamat ho Doktora. Tatanawin ko ho ito na malaking utang na loob ko ho sa iyo."

Tumango nalang si Doktora at ako'y lumabas agad sa kaniyang opisina. Mabilis ang paglakad ko patungo sa kinaroroonan ni Susan. Sa loob ko, nagtagumpay ako. Salamat po Panginoon! Pagdating ko kay Susan agad ko siyang niyakag na umuwi. Binitbit ko ang kahon na may lamang kumot at mga lampin ng bata. Sinabi ko sa kaniya na sasaglit muna kami sa morge para silipin ang labi ni Angelica. Hindi ko muna sinabi sa kaniya na mailalabas namin ang mga labi ng bata.

Alinsunod sa bilin sa akin ni Doktora hinarap ko si Mang Tonio at sinamahan kami sa kinaroroonan ni Angelica. Napansin ko si Susan ay hindi umiimik. Hinatak ni Mang Tonio ang "drawer" na bakal na nilagakan sa bata. Nang tumambad na sa amin ang labi ng bata, dahan-dahan ko siyang binuhat kasabay ang pag-utos ko kay Susan na buksan niya ang kahon at ilabas ang ibang lampin at kumot para ibalot kay Angelica.

Binalot ko ang mga labi ng bata mula ulo hanggang paa at dahan-dahan kong ipinasok sa kahon. Isinara ko nang maayos at itinali ko nang mahigpit at nagpasalamat kami kay Mang Tonio bago umalis. Bilin niya sa amin ay huwag daw kaming lilingon pabalik. Diretso lang ang paglalakad namin hanggang sa matawid namin ang kabilang kalsada at doon kami mag-aabang ng sasakyan papuntang Marikina.

Nang makatawid na kami sa kabilang kalsada kinausap ko si Susan, "Anak pigilin mo ang pag-iyak. Kailangan ay walang makahata kung ano ang laman ng dala nating kahon. Magkunwari tayo na ang laman ng kahon ay mga pinamili natin para panghanda sa Pasko."

"Paano po kung hanapin ng nanay sa akin ang bata?

"Ako na ang bahala. Ang mahalaga ngayon nadala natin ang labi ng kapatid mo!

 

11:00 ng umaga nang kami ay makasakay na sa Marikina bus pauwi ng bahay. Sa loob ng bus kapuwa kami ay walang imik. Sa tuwing nagsasalubong ang aming mga mata nababasa ko ang sakit na nagpupumiglas sa damdamin ni Susan. Sa kaniyang edad na 16 unti-unti niyang tinatanggap ang katotohanan kung ano ang buhay ng isang mahirap. At bumalik sa aking alaala ang sinabi ng aking lolo noon, "Ang pait na nararanasan ng isang tao ay dagdag sangkap para lalung maging makulay ang kaniyang buhay. Ang hapdi, kirot at kawalan ay hindi rason para isuko ang buhay na walang laban!"

Maituturing ko na isa sa pinakamasakit na bahagi ng pagiging ina ay ang makita at mayakap ang kaniyang anak na malamig at walang buhay. Tanghaling tapat nang dumating kami ng bahay. Nang malaman ni ate ang nangyari sa kaniyang bunso halos panawan siya ng ulirat nguni't sa kabila na siya'y mahina pa sinikap niyang yakapin nang mahigpit ang labi ng kaniyang anak at hagkan ito na punum-puno ng pagmamahal.

Nakita ko rin na sa ganitong sitwasyon ang mga magkakapit-bahay ay bukas ang kanilang puso na tumulong sa taong nagigipit. Nabigyan ng magandang burol ang aking pamangkin sa tulong ng mga kapit-bahay at mga kaibigan na nakidalamhati sa pamilya ng ate ko.

Dumating si bayaw mula Cebu besperas na ng Pasko. Hindi maipagkakaila na nasaktan siya sa nangyari subali't buong puso niya itong natanggap at ng kaniyang pamilya. Natuwa ako ng malaman ko kay bayaw na pumayag ang kanilang kompanya na sa Maynila na siya magtratrabaho.

Flying_Kites Ang pagkawala ng kanilang bunsong anak ay naging hudyat upang baguhin ang aming pananaw sa buhay. Sa harapan ni ate at ng kanilang anim na supling sinabi sa akin ni bayaw, "Panahon na Lhilo, na ang mga pangarap mo naman ang pag-ukulan mo ng iyong panahon at oras. Huwag mo silang panatilihing nakakulong sa kahon. Hayaan mo silang lumipad higit pa sa kayang liparin ng saranggola!"

Sa ngayon ang bayaw ko't ate ay malapit na sa kanilang edad na 70. Ang kanilang anim na anak ay may kaniya-kaniyang pamilya na. Lumaki lalo ang kanilang pamilya. Ngayon sila ay pinapaligiran at pinasasaya ng kanilang mga apo.

Ako naman ay may sarili na rin pamilya. 50 taong gulang na. May tatlong anak na Maria. Dalawa ang nasa kolihiyo at isa ang nasa mataas na paaralan. At tuloy parin nangangarap nguni't hindi na para sa akin kungdi para sa maaliwalas na bukas ng aking pamilya. Isa akong tutubing mahilig lumipad sa loob ng mahigit isang dekada na.

Hit Daxen and Become our Daxen Partner.                            

 

Enhanced by Zemanta

No comments:

Post a Comment